SAN RAFAEL, Bulacan, Philippines , Philippines — Bulagta ang isa umanong adik na lalaki makaraang paputukan ng mga pulis dahil sa pagho-hostage sa isang 5-anyos na batang lalaki kamakalawa ng gabi sa Brgy. Banca-Banca ng baying ito.
Ayon kay P/Lt. Col. Ferdinand Germino, hepe ng San Rafael police, dakong alas-6:30 ng gabi nang pasukin ng suspek na bangag sa ilegal na droga ang isang bahay sa nasabing barangay at hinostage ang nasa loob na bata.
Agad na tinutukan ng suspek ng dala nitong maliit na kalibre ng baril ang ulo ng bata.
Nabatid na naglalaro sa loob ng bahay ang nasabing bata habang nasa labas naman ang mga magulang nito at kasalukuyang nagpapakain ng hayop nang pasukin ng suspek ang kanilang bahay.
Mabilis na humingi ng saklolo ang mga magulang ng bata sa otoridad at doon na nagsimula ang negosasyon sa pagitan ng mga pulis at ng suspek.
Agad na bumuo ng crisis management team ang mga pulis kabilang dito ang hostage negotiator, barangay official, ang pamilya ng hinostage na bata, medic at may nakaantabay rin na ambulansiya mula sa San Rafael Rescue.
Ayon sa pulisya, tumagal ng halos tatlong oras ang negosasyon.
Sa gitna ng negosasyon, tila napikon ang suspek sa mga pulis at tangkang sasaktan na nito ang batang hostage kaya mabilis nang sinugod ng mga pulis ang adik na lalaki. Gayunman, pinaputukan pa ng suspek ang mga otoridad kung kaya nabitawan nito ang bata at doon na siya binaril ng mga pulis ang suspek na ikinamatay nito.
Maayos na nailigtas ng mga pulis ang bata at hawak na ito ng kanyang mga magulang. Dinala ang bata sa ospital para sa medical examination at isasailalim din siya at kanyang mga magulang sa post traumatic briefing na pangangasiwaan ng DSWD.
Narekober sa napatay na suspek ang isang cal .38 revolver at 10 plastic sachet ng shabu.