MANILA, Philippines — Masayang ibinalita ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade na naisakatuparan na ng pamahalaan ang pagkakaroon ng dedicated port o pantalan sa Borac, Coron, Palawan, na ngayon ay nagbibigay na ng ginhawa sa pamumuhay ng mga residente at mas nagpapalakas na sa turismo, kalakalan, at ekonomiya sa lugar.
“Ang bayan ng Borac ay matatagpuan sa Coron, Palawan. Ito ay nakaharap sa isla ng Mindoro,” ayon kay Tugade. “Noon, wala ni isang pantalan sa Borac, kaya lubhang napakahirap marating ang isla. Kung saan-saan lamang dumadaong ang mga bangka at iba pang sasakyang pandagat papunta at paalis dito.”
Aniya, upang maging mas maayos, maginhawa at ligtas ang paglabas-pasok sa isla, sinimulan ng DOTr at ng Philippine Ports Authority (PPA) ang port development project doon noong Nobyembre 2018 at ngayon nga ay mayroon nang dedicated port ang Borac.
“Hindi na kailangan pang humimpil ng mga bangka o barko kung saan-saan, dahil mayroon nang nakalaang daungan para sa mga ito. Dahil dito, mas magiging madali at maginhawa na ang biyahe ng mga turista at kargamento sa lugar na kadalasan ay galing sa Batangas at iba pang lugar sa Luzon,” anang kalihim.
Dagdag pa niya, “Inaasahan din na ang pantalan ay isa sa mga magiging pangunahing port of calls ng mga international cruise ships na inaasahang manunumbalik sa Palawan, oras na matapos ang pandemya.”
Tiniyak pa niya na tuluy-tuloy ang ginagawa nilang pagpapalakas ng maritime connectivity at mobility sa bansa.