Pinakamalaking watawat itinaas sa Nueva Ecija

May laking 16x40 talampakan, ito na umano ang pinakamalaking watawat ng Pilipinas na iniangat sa Nueva Ecija.
STAR/ File

Sa ika-123 Araw ng Kalayaan

CABANATUAN CITY, Nueva Ecija , Philippines — Itinaas sa loob ng dambuhalang gusali ng SM City Cabanatuan ang pinakamalaking watawat ng Pilipinas sa lalawigang ito bilang paggunita sa ika-123 Araw ng Kalayaan ng bansa, nitong Sabado ng umaga.

May laking 16x40 talampakan, ito na umano ang pinakamalaking watawat ng Pilipinas na iniangat sa Nueva Ecija.

Sinabi ni Ian Ezekiel Balao, SM Regional Ope­rations Manager, ngayong taon ang pagdiriwang ay tungkol sa “Pinoy Pride” na sumasagisag kung gaano kalaki ang ating puso bilang mga Pilipino na maka-survive sa lahat ng mga hamon na dala ng COVID-19 pandemic.

“Panahon na upang ipagdiwang ang ating kalayaan at kilalanin ang maraming mga bayani sa modernong panahon - ang mga frontliner na nagsisilbi sa komunidad sa panahon ng pandemikong ito, ang mga mandirigmang manggagawa sa bahay, mga magulang na pinagsasabay ang trabaho at pag-aalaga ng kanilang mga anak, ang ating mga pinuno ng bansa at lahat ng nakaranas ng iba`t-ibang hamon sa panahong ito,” sabi ni Balao.

Kasama sa pagdiriwang si Cabanatuan City Mayor Myca Vergara na hinikayat ang bawat isa na maging isang modernong bayani sa pamamagitan ng pagpapabakuna bilang kontribusyon sa isang bansa na COVID-free.

Sa kasalukuyan ay mayroong 45 SM Malls sa buong bansa na nga­yon ay nagsisilbing mga sentro ng pagbabakuna kabilang ang SM City Cabanatuan.

Nagsagawa rin ng kaparehong seremonya sa isa pang mall ng SM sa lungsod na ito ang SM Megacenter na nasa pusod ng trade and commerce ng lungsod na dinaluhan ng mga opisyal mula sa Cabanatuan City Police Station at Bureau of Fire.

“Ang ating watawat ay napakalaki, kasing laki ng ating pag-asa na sakupin ang lahat ng mga ha­mon na kinakaharap natin ngayon”, sabi pa ni Balao.

Show comments