MANILA, Philippines — Umabot sa mahigit 300 pamilya ang inilikas sanhi ng flash floods at landslide sa malalakas na pag-ulan nitong Biyernes ng gabi sa ilang bayan ng South Cotabato, ayon sa ulat kahapon.
Sa report ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), ang mga naapektuhang pamilya ay mga naninirahan sa mababang lugar malapit sa ilog ng bayan ng Tantangan at Norala na lumubog sa baha na dulot ng monsoon rains na nakakaapekto sa malaking bahagi ng bansa.
Naiulat din ang landslide sa mga bayan ng Lake Sebu at Tboli na nakaapekto sa mga pangunahing kalsada sa ilang barangay dito.
Sa bayan ng Tantangan, sinabi ni Mayor Benjamin Figueroa Jr. na matinding tinamaan ng pagbaha ang mga barangay ng New Iloilo, Libas, Poblacion at San Felipe kung saan nasira pati ang kanilang pananim at ibang pangkabuhayan.
Sinabi ng alkalde na mabilis na sumaklolo ang lokal na pamahalaan sa tulong ng Municipal Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) upang ma-rescue ang mga pamilyang nalubog sa tubig baha. Namahagi na rin ng relief goods ang LGU.
Nasa 300 pamilya sa pitong Purok Zones sa New Iloilo ang dumanas ng matinding pagbaha kung saan nitong Biyernes ng gabi bandang alas-6 ay nagsilikas sa gymnasium ng kanilang barangay ang mga apektadong katao.
Kabilang sa mga naapektuhan ng pagbaha ay ang Purok Kaunlaran, Bagong Silang, Mahirup, Mainuswagon, Mabuhay, Masagana, at Paglaum; pawang sa Brgy. New Iloilo ng bayan ng Tantangan.
Sa panayam naman kay Tboli, Mayor Dibu Tuan, nasira rin ang ilang mga pangunahing tulay, kalsada sa kanyang bayan kung saan lubos na naapektuhan ang mga barangay ng Desawo, Kematu, Talufo, Lembuling, at Lemsnolon bunsod ng walang humpay na pag-ulan nitong mga nakaraang araw.
Samantala, maging ang ilang barangay sa Cebu City sa Region VII ay dumanas din ng pagbaha nitong Sabado ng umaga dulot ng malalakas na pag-ulan sa lugar. Nabulaga na lamang ang mga residente sa pagragasa ng baha sa Brgys. Kamputhaw, Tejero, Tinago at T. Padilla bandang alas-8 ng umaga matapos naman ang pagapaw ng sapa sa Brgy. Tejero. - Rhoderick Beñez