2 trader tiklo sa pekeng sigarilyo
CABANATUAN CITY, Nueva Ecija, Philippines — Arestado ang dalawang negosyanteng lalaki makaraang mahuling nagbebenta ng mga pekeng sigarilyo sa magkahiwalay na bayan ng lalawigang ito, noong Huwebes.
Ayon kay P/Col. Jaime Santos, provincial director ng Nueva Ecija Police, naaktuhan ng mga kagawad ng San Leonardo at Gabaldon Police na nagbebenta umano ng mga pekeng sigarilyo sina Joseph Suguitan, 46, may-asawa ng Sarrat, Ilocos Norte; at Allan Balicao, 42, may-asawa ng Barangay Dampulan, Jaen, Nueva Ecija. Ayon sa San Leonardo Police, alas-9 ng gabi noong Huwebes habang nagpapatrolya ang ilan nilang miyembro sa mga barangay ay natiyempuhan ang suspek na si Suguitan na nagbebenta umano sa isang tindahan sa Brgy. Diversion Road ng mga pekeng Mighty cigarettes.
Apat na kahon ng nasabing brand ng sigarilyo na nagkakahalaga ng P60,000 na nakasakay sa Chevrolet Trailblazer (NBD9966) ang kinumpiska ng pulisya makaraang walang maipakitang kaukulang dokumento ang dayong negosyante.
Ayon naman sa Gabaldon Police, ala-1 ng Huwebes ng hapon nang mabisto ng kanilang mga kagawad na nagbebenta ng pekeng Two Moon cigarette si Balicao sa isang tindahan sa may Sitio Dupinga, Barangay Malinao.
Nakatakas umano ang isang kasabwat ni Balicao sakay ng motorsiklo subalit nakumpiska ng pulisya kay Balicao ang may 15-reams ng peke umanong Two Moon na nagkakahalaga ng P3,750 at walang papeles.
- Latest