MANILA, Philippines — Dinakip ng Philippine National Police-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) dahil sa umano’y pangongotong ang isang pulis at apat na iba pa na miyembro ng Truck Ban Traffic Management Office ng Apalit, Pampanga, kahapon.
Kinilala ang mga arestado na sina Police Corporal Leomar Calegan, Marlon De Guzman, Menard Mendoza, Michael Maniulit, at Noel Manarang.
Sa ulat ni IMEG director P/Brigadier General Thomas Frias kay PNP chief Police General Guillermo Eleazar, dinakma ang mga suspek sa aktong pagtanggap ng pera mula sa isang truck driver na may kasamang undercover agent, kahapon ng umaga sa tapat ng Caltex Gas station sa panulukan ng Quezon Road Mc Arthur Highway, sa San Simon Exit, Apalit, Pampanga.
Nakuha sa mga suspek ang mahigit P800,000 cash na pinaniniwalaang arawang koleksyon ng mga suspek mula sa mga truck drivers na dumaraan sa lugar.
Sinabi ni Frias na marami na silang natanggap na reklamo laban sa mga suspek na dinala na sa IMEG-Luzon Field Unit, at sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 3019 o Anti Graft and Corrupt Practices Act; Republic Act 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Government Employee; at robbery extortion.