Pamilya pinasok ng ‘akyat-bahay’: Mister iginapos saka pinatay

Idineklarang dead- on-arrival sa Kawit Kala­yaan Hospital ang bik­timang si Esmeraldo Cuson Mateo ng Toclong Raod, Brgy Tabon 1, Kawit, Cavite dahil sa tama ng bala sa katawan.
PSN/ File

CAVITE MANILA, Philippines — Patay ang isang padre-de-pamilya matapos barilin sa harap ng kanyang misis at anak nang looban ng dalawang armadong lalaki sa kanilang bagong bahay sa bayan ng Kawit, dito Lunes ng hapon.

Idineklarang dead- on-arrival sa Kawit Kala­yaan Hospital ang bik­timang si Esmeraldo Cuson Mateo ng Toclong Raod, Brgy Tabon 1, Kawit, Cavite dahil sa tama ng bala sa katawan.

Inilarawan ang mga suspek na may taas na 5”2 hanggang 5”5 at may katamtaman ang mga pangangatawan.

Sa ulat ni P/Major Joel Palmares, hepe ng Kawit Police Station, alas-2:30 ng hapon nang may kumatok sa pintuan ng pamilya Mateo at nang pagbuksan ng mister ay puwersahang pumasok ang dalawang armadong lalaki saka tinutukan ng baril ang huli habang katabi ang kanyang asawa at 3-an­yos nilang anak. Mabilis na iginapos si Esmeraldo ng mga suspek saka sinabihan na magbigay ng pera.

“Nagbigay ng P50,000 cash ang misis ng biktima, pero tila alam na may itinatago pang pera at pinapalabas pa,” ayon kay Palmares.

Nang hindi na magbigay, hinalughog ng mga suspek ang kabahayan at kinuha pa ang cellphone ng biktima, isang laptop at ‘di pa matukoy na halaga.

Hindi pa nakuntento, binaril ng mga suspek ang nakataling biktima sa harap ng kanyang mag-ina saka sila tumakas sa direksiyon ng Centenial Highway sa Barangay Tabon.

Show comments