CABANATUAN CITY, Nueva Ecija, Philippines — Dalawang hinihinalang tulak ng droga ang nasawi sa magkahiwalay na buy-bust operations noong Biyernes ng gabi, habang aabot sa 17 iba pa ang inaresto ng pulisya sa ‘one-time, big-time’ drug buy-bust operations sa limang lungsod at pitong bayan sa lalawigang ito.
Kinilala ni P/Col. Jaime Santos, provincial director ng Nueva Police, ang dalawang napatay na drug suspect na sina Jonathan Miranda, 37, hardware helper, ng Purok Alitaptap, Brgy. DS Garcia; at Ruben Galvez, nasa hustong edad ng Brgy. San Isidro, na kapwa sakop ng Cabanatuan City.
Ayon kay P/Lt. Col. Heryl Bruno, hepe ng Talavera PNP, alas-6 ng gabi noong Biyernes ay nagsagawa sila ng buy-bust sa Barangay La Torre, Talavera. Matapos mabilhan ng kanilang police agent ang suspek na si Miranda ay nanlaban ito at nauwi sa kanyang kamatayan.
Si Miranda na kabilang umano sa unified watchlist ng Nueva Ecija Police bilang pusher at user, ay nakuhanan ng isang plastic sachet ng umano’y shabu at caliber .38 revolver.
Ayon naman sa Lupao Police, alas-11:30 ng gabi nagsagawa sila ng buy-bust sa Barangay San Antonio Este, Lupao, NE, at nabilhan ng kanilang poseur-buyer ang suspek na si Galvez ng isang plastic sachet ng hinihinalang shabu, kunsaan nanlaban din ito at namatay kalaunan.
Isang plastic sachet ng umano’y shabu ang nakuha kay Galvez, kasama ang isang caliber .38 revolver at Suzuki Smash na motorsiklo na walang plaka ang narekober sa lugar.
Samantala, nagsagawa ng walang puknat na drug buy-bust operations ang may 11 istasyon ng pulisya ng mga lungsod ng Cabanatuan, Gapan, San Jose, Muñoz, Palayan at ng mga bayan ng Pantabangan, Peñaranda, Sta. Rosa, San Antonio, San Isidro, Laur at Talugtug na tinawag na ‘one-time, big-time’ mula umaga hanggang gabi noong Biyernes na nagresulta sa pagkaaresto ng 17 suspek at pagkarekober sa 42-plastic sachet ng ilegal na droga.