Nanay na nagbenta ng droga para sa kaarawan ng anak, kalaboso
CAUAYAN CITY, Isabela, Philippines — Isang ginang ang natimbog ng mga otoridad sa isang drug buy-bust operation sa bahagi ng FN DY Boulevard, Barangay San Fermin sa lungsod na ito kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang suspek na si Karla Mae Dela Cruz, 29, residente ng Barangay Lanting sa bayan ng Roxas sa lalawigang ito.
Nakuha sa suspek ang 0.51 na gramo ng pinaniniwalaang shabu na may market value na P6,800.00 matapos mahulog sa ikinasang drug buy-bust operation ng Cauayan City PNP dakong alas-2:15 ng hapon.
Ayon sa suspek na napilitan lamang umano siyang magtulak ng droga para sana may pera na pambili ng handa para sa kaarawan ng kanyang anak.
Ayon sa record ng pulisya, napag-alaman na unang nahuli sa kaparehong kaso ang suspek noong 2018 sa bayan ng Echague, subalit nakalaya umano ito sa pamamagitan ng plea bargaining at kalaunan ay sumailalim din ito sa drug rehabilitation.
Sinampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek. - Victor Martin
- Latest