MARILAO, Bulacan, Philippines — Inaresto ng mga otoridad ang isang construction worker na umano’y limang taong ginagahasa ang sariling anak na menor de edad sa bayan ng Marilao ng lalawigang ito.
Kinilala ng pulisya ang naarestong suspek na si Roderick Paguio, habang itinago ang biktima sa pangalang ‘Isabel”, 15-anyos at Grade 9 student kapwa residente ng Brgy. Loma de Gato ng nasabing bayan.
Sa inisyal na imbestigasyon, inumpisahang gahasain ng ama ang kanyang anak noong 2016 sa edad na 10 taong gulang pa lamang ito at dahil sa takot at pagbabanta ng ama ay kinimkim na lamang ng biktima ang mga pangyayari.
Napag-alaman na ang ina ng biktima ay nagtatrabaho abroad bilang domestic helper nitong nakalipas na taon at mula noon ay patuloy umanong ginagahasa ng suspek ang biktima.
Muling naulit ang panghahalay sa biktima nitong Mayo 26, alas-7:00 ng umaga at pagkatapos noon ay nagsumbong na ang una sa isang pastor sa kanilang lugar.
Ipinaalam naman ng pastor sa tiyahin ang dinadalang suliranin ng biktima na agad nagsumbong naman sa mga otoridad kaya dinakip ang suspek na nahaharap sa kasong rape o violation of RA 8353 ang suspek na nakapiit sa himpilan ng pulisya.