Mister ‘di pinayagan ng asawa na lumabas, bahay sinunog
QUEZON, Nueva Vizcaya, Philippines — Isang mister ang kalaboso matapos sunugin ang kanilang bahay nang hindi payagan ng kanyang misis na dumalo sa isang lamay sa Barangay Dagupan ng bayan na ito kamakalawa.
Kinilala ng Quezon Police ang nadakip na mister na si Clenver Chulana, 21, magsasaka at residente ng Sitio Ay-ay sa nabanggit na lugar.
Ayon imbestigasyon ng pulisya, unang dumulog sa himpilan ng pulisya si Marivic Chulana, asawa ng suspek, para isuplong ang ginawang pagsunog ng kanyang mister sa kanilang bahay.
Napag-alaman na nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang mag-asawa matapos hindi payagan ni misis ang kanyang mister na pumunta sa isang lamay sa kanilang lugar sa pangamba na baka ito ay masangkot sa gulo lalo na at nakainom ng alak.
Itinago rin umano ng misis ang wallet ng mister na lalong ikinagalit ng huli at pinagbantaan ang asawa kung kaya’t minabuti umano ng ginang na umalis sa kanilang bahay para makaiwas sa pagtatalo. Gayunman, laking gulat ng misis nang bumalik siya sa kanilang lugar ay nakita na naabo na ang kanilang tahanan na kagagawan ng sariling asawa.
- Latest