DONSOL, Sorsogon, Philippines — Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng isang 2-taong gulang na lalaki matapos na makulong sa nasusunog nilang bahay matapos umanong maglutu-lutuan habang naglalaro sa Sitio Mabini, Brgy. Tupas ng bayang ito kamakalawa ng umaga.
Dahil malayo sa mga kapitbahay, wala agad nakasaklolo at dahil na rin sa mabilis na pagkalat ng apoy sa nasusunog na bahay ay hindi na nakalabas at kasamang natupok ang batang si Rasel Misal Rodrigueza.
Nakatakbo naman palabas ng kanilang bahay at nakaligtas ang mga nakatatandang kapatid ni Rasel na sina Edna, 4-taong gulang at Roly, 7-taong gulang.
Sa imbestigasyon ng mga pulis, dakong alas-9:30 ng umaga habang wala ang mga magulang ay posibleng ginutom ang mga bata o naglalaro kaya sinubukan nilang lutuin ang kopra.
Gayunman, aksidenteng kumalat ang apoy sa kanilang pinaglulutuan at inabot ang bahay na gawa sa kahoy dahilan para agad na kumalat at masunog ang kanilang bahay.
Sa lakas ng apoy, hindi na nagawang gisingin ng dalawang bata na nakatakbo palabas ng kanilang tahanan, ang natutulog nilang nakababatang kapatid.
Dahil sa gawa lamang sa mahihinang materyales, natupok ang bahay sa loob lamang ng 15-minuto at patay na nang datnan ng mga magulang ang kanilang bunsong anak.