NUEVA ECIJA , Philippines — Patay ang isang lalaking tulak habang tatlong iba pa ang naaresto matapos makuhanan ng may mahigit P.3 milyong shabu sa dalawang magkasunod na buy-bust operation sa Cabanatuan City.
Ayon kay P/Col. Jaime Santos, Nueva Ecija Police provincial director, nakilala ang napatay na si Romnick Garces ng Brgy. San Josef Sur, Cabanatuan City matapos umanong manlaban sa operatiba ng Lupao Police na pinamunuan ng hepe nito na si P/Capt. Ronan James Eblahan.
Sa ulat, alas-2 ng madaling-araw kahapon nang isinagawa ang buy-bust operation sa Brgy. La Parista kung saan nabilhan ng police poseur buyer ng isang sachet ng umano”y shabu ang suspek na si Garces.
Naghinala ang suspek na pulis ang ka-transaksyon na nauwi sa panlalaban umano nito na kanyang ikinasawi. Agad na tumakas ang kasabwat ni Garces patungong San Jose City.
Samantala, nadakip sa hiwalay ang tatlo pang tulak umano ng droga na sina Royce Pestaño, 32, may-asawa, tricycle driver ng Ma. Theresa Ext., Brgy. Dicarma, Cabanatuan City; Ramoncito Pestaño, 34, binata, jobless ng Royal Mansion, Greenhills, Mandaluyong City; at Ray Anthony Palapal, 35, may-asawa, jobless ng Brgy. Caridad, Cabanatuan City. Nakuha ng pulisya sa kanila ang P376,862 na halaga umano ng shabu.
Ayon sa ulat ni P/Lt. Col. Barnard Danie Dasugo, hepe ng Cabanatuan City Police, unang nahuli ang suspek na si Palapal sa isinagawang buy-bust sa Purok 7 ng Barangay Caridad, bandang alas-9 ng Martes ng umaga. Nakumpiska sa kanya ang 4 sachet ng umano’y shabu na may timbang na 5.18 gramo at nagkakahalaga ng P35,230.
Sunod namang inaresto ang magpinsang Pestaño sa Purok West, Brgy. Caridad alas-9:20 ng umaga nitong Martes. Nakuha sa kanila ang 14-plastic sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na 50.24 gramo at nagkakahalaga ng P341,630.