10 katao, dinakma sa illegal mining
TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Sampung katao na kinabibilangan ng isang menor- de-edad ang dinakip ng mga otoridad matapos mahuli sa aktong nagsasagawa ng illegal small-scale mining sa bayan ng Claveria sa lalawigang ito kamakalawa ng madaling araw.
Ayon sa ulat na nakarating sa tanggapan ni P/Brig. Gen. Crizaldo Nieves, regional police director ng Police Regional Office 02 (PRO2), nakilala ang nahuling mga suspek na sina Edgene Caligan, 36; Reylie Acob, 35; Noel Inocencio, 30; Joel Caligan Jr., 29; Rhayan Avanzado, 38; Oscar Avanzado, 43; Noel Avanzado, 35, at Clarence Magayano Sr, 54, pawang mga residente ng Barangay Culao sa nasabing bayan habang sina Keith Reeve Julaquit, 26, at ang menor-de-edad na itinago sa pangalan na “Dodong” na kapwa residente naman ng Barangay Manag, Conner mula sa lalawigan ng Apayao.
Sinabi ni P/Lt. Col Andree Abella, regional information chief ng PRO2 na unang humingi ng tulong sa pulisya ang mga opisyal ng barangay dahil sa ilegal na pagmimina ng nasabing grupo malapit sa dalampasigan ng Barangay D’ Leano.
Dahil dito ay agad na sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng Western Cagayan Maritime Police Station (MARPSTA) - Maritime Group, Explosive Ordinance Disposal and Canine (EOD K9) Unit at Claveria PNP ang itinurong lugar at naaktuhan ang mga suspek na nagsasagawa ng ilegal na pagmimina dakong alas-3:30 ng madaling araw.
Nakumpiska ng mga otoridad mula sa nadakip na mga suspek ang 1 water pump set; 2 steel mallet; 1 hand held radio; 2 blasting cap, 1 five feet time fuse, 50 grams na Ammonium fuel oil (ANFO), 1litro na gasoline at 4 na steel chisel.
Ang mga nahuling suspek ay isasailalim sa inquest proceeding sa tanggapan ng Provincial Prosecutor dahil sa paglabag sa Republic Act 7076 o ang People’s Small-scale Mining Act of 1991 habang ang menor-de-edad ay ipinasakamay ng pulisya sa tanggapan ng Municipal Social Welfare and Development (MSDW) sa nasabing bayan.
- Latest