CAVITE, Philippines — Sinabayan kahapon ng magkasunod na sunog ang tindi ng init na nararanasan sa lalawigang ito matapos na lamunin ng apoy ang isang pabrika ng tela at ilang kabahayan.
Unang sumiklab dakong alas-9: 26 ng umaga ang sunog sa isang pabrika ng tela sa Goldenmile Complex Brgy. Madura Carmona.
Ayon sa pahayag nina Kabisig Cooperative Mngr. Mike Navera at Reliance Producer Cooperative (RPC) Mngr. Roland Talagtag, bigla na lamang umano silang nakakita ng malakas na usok mula sa ikalawang palapag ng pabrika. At dahil sa pagawaan ito ng mga tela ay maraming mga mahihinang materials kaya mabilis na kumalat ang apoy sa buong pabrika.
Ayon kay SFO1 Jonathan M Castano, tumagal ng may mahigit sa 2-oras bago tuluyang naapula ang apoy kung saan naabo ang lahat ng kagamitan sa loob ng pabrika.
Samantala, alas-11:00 ng umaga nang sumunod na sumiklab ang malaking sunog na tumupok sa mga kabahayan sa Brgy. Sapa II, bayan ng Rosario.
Nagsimula ang sunog sa bahay ni Lisa Evangelista dahil sa umano’y overload na paggamit ng kuryente.
Tumagal ng may mahigit sa isang oras bago tuluyang naapula ang sunog na tumupok sa ilang kabahayan dito. Wala namang naiulat na nasugatan o namatay sa dalawang nabanggit na sunog habang aabot sa may ilang milyong piso ang natupok.