BALIUAG, Bulacan, Philippines — Matapos ang mahabang panahon ng paghihintay, natanggap na ng mga Bulakenyong magsasaka ang titulo ng kanilang lupang sinasaka na kanilang pinangarap matapos ipamahagi ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang mga emancipation patents/certificates of land ownership award (EP/CLOAs) nitong Lunes na ginanap sa Baliuag Star Arena sa Brgy. Pagala sa nabanggit na bayan.
Pinangunahan ni Sec. John Castriciones ng Department of Agrarian Reform (DAR) kasama si Gobernador Daniel Fernando ang pamamahagi ng 1,100 hectares ng lupang agrikultura katumbas ng 190 CLOAs para sa 151 agrarian reform beneficiaries (ARBs) mula sa mga bayan ng Baliwag, San Rafael, San Ildefonso, at San Miguel.
Ayon kay Castriciones, ang pamamahagi ng CLOA ay nagmula sa paghantong ng isang dekada nang mahabang paghihintay ng mga karapat-dapat na benepisyaryo na pagmamay-ari ng mga lupa na kanilang tinatamnan sa loob ng maraming taon.
Binanggit din ng kalihim ang bagong programang “Pabahay para sa mga Magsasaka” ng DAR sa pakikipagtulungan sa Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD). Ito ay isang Libreng Pabahay Project para sa mga magsasaka.
“Ito ang araw na patunay na patuloy na seryoso si Pangulong Duterte sa pagsulong ng tunay na reporma sa agraryo sa ating bansa. Huwag ninyong ibenta ang inyong lupa. Bigay ito ng gobyerno upang inyong pangalagaan at gawing produktibo na magiging pamana ninyo sa inyong mga mahal sa buhay,” ayon naman sa virtual message ng nagsilbing keynote speaker sa programa na si Senator Christopher Lawrence “Bong” Go.
Kabilang din sa nasabing programa ang pagre-release ng loan ng DAR sa mga benepisyaryo mula sa Agrarian Production Credit Program (APCP). Namahagi rin sila ng maliliit na makinarya at kagamitan sa bukid para sa pagpapahusay ng mga produktong pang-agrikultura sa pamamagitan ng mga proyekto sa mekanisasyon sa ilalim ng pagpapatupad ng Climate Resilient Farm Productivity Support Program.