‘Libreng sakay’ sa HCWs at APORs sa Cebu, inilunsad na rin ng DOTr

MANILA, Philippines — Naglunsad na rin ang Department of Transportation (DOTr) ng libreng sakay para sa mga health care workers­ (HCWs) at authorized persons outside residence (APORs) sa Cebu kahapon.

Mismong si Transportation Secretary Arthur Tugade, kasama si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Martin Delgra III, ang nanguna sa pormal na paglulunsad ng ‘free ride’ para sa HCWs at APORs, sa ilalim ng Service Contracting Program (SCP) ng ahensiya.

Nabatid na 22 public utility­ vehicle (PUV) units ang naka­takdang magbigay ng libreng sakay, kabilang ang lima na para sa mga HCWs at 17 naman para sa mga APORs.

“Libre ito para sa mga pasahero. ‘Wag kayong maniningil,” mahigpit na habilin naman ni Tugade sa mga driver.

Kasabay nito, nagpasala­mat si Tugade sa serbisyo ng bawat driver, at pinaalala­hanan hinggil sa kahalagahan ng pagtutulungan upang makamit ang layunin ng programa.

Kabilang sa mga rutang babagtasin ng Free Ride for Health Care Workers at APORs ay ang Naga City to UC Med; Talisay to Parkmall via SRP; Talisay to Airport via SRP; Talisay to Parkmall via N. Bacalso at Talisay to SM Seaside via N. Bacalso.

Layunin ng libreng sakay sa ilalim ng SCP ng DOTr at LTFRB na makatulong sa ating mga medical frontliners at essential workers na maka­biyahe ng libre patungo sa kani-kanilang mga trabaho, habang ipinatutupad pa rin ang community quarantine sa buong bansa.

Maliban dito, layunin din ng programa na matulu­ngan ang mga PUV drivers, upang madagdagan ang kanilang kita at makatulong sa kanilang araw-araw na pangangaila­ngan at pangkabuhayan.

Show comments