CANDELARIA, Philippines — Hindi na umabot pa ng buhay sa ospital ang babaeng driver ng isang tricycle habang nasa malubhang kalagayan ang kanyang pasahero makaraang pagbabarilin ng hindi nakikilalang salarin kamakalawa ng gabi sa Purok 4, Barangay Malabanban Sur sa bayang ito.
Nagtamo ng isang tama ng bala ng kalibre .45 sa leeg na kanyang ikinasawi si Raquel Sumadsad, 50, may asawa, samantalang sa kaliwang bahagi ng ulo tinamaan ng bala at kritikal sa ospital si Mark Anthony Payen, 27, kapwa mga residente sa nabanggit na barangay.
Ayon sa ulat, bandang alas 6:10 ng gabi ay igagarahe na ng biktima ang minamaneho nitong tricycle nang harangin ng hindi nakikilalang lalaki.
Mabilis na bumunot umano ng baril buhat sa beywang ang suspek at walang sabi-sabing pinaulanan ng punglo ang mga sakay ng tricycle saka naglakad lamang papatakas.
Inaalam na ng pulisya ang pagkakakilanlan ng salarin at ang motibo sa krimen.