MANILA, Philippines — Sumakabilang buhay na ang provincial correspondent ng Pilipino Star Ngayon/Philippine Star na si Raymund Catindig matapos itong atakihin sa puso sa kanilang tahanan sa Ilagan City, Isabela kahapon ng umaga.
Si Catindig, 56, ay natagpuan ng kanyang bunsong anak na si Mariechelle, 17, na wala nang buhay sa kanilang bahay sa Bliss Village alas-8 ng umaga.
Nagsimula si Catindig bilang provincial correspondent sa PSN noong 2010 at dati ring nagsilbing Public Information Officer sa Isabela noong kasalukuyan pang gobernador si Faustino Dy Sr.
Si Catindig ay nagtapos ng kursong Journalism sa Far Eastern University at naging Publisher Editor ng Northern Sierra Madre Express na pag-aari ng kanilang pamilya noong 1990.
Naging part-time journalism college instructor din si Catinding sa Isabela State University-Ilagan Campus at naging Media Relations Officer ni dating Pasay City Rep. Lito Roxas.
Nakahimlay ang kanyang labi sa St. Peter Funeral Homes sa Gamu, Isabela at nakatakda itong isailalim sa cremation sa Guibang, Ilagan City. — Artemio Dumlao