Lalaking nang-blackmail ng dating karelasyon, kulong

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa RA 9262 (Anti-Violence Against Women and Children Act) at RA 10175 (Cybercrime Prevention Act) ang suspek na si Rosman Hadji Ibrahim.

MANILA, Philippines — Sa kulungan bumagsak ang isang lalaki makaraang arestuhin siya ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation-Saranggani sa isang entrapment operation nang pagbantaan ang dating karelasyon na babae na ikakalat ang mga hubad na larawan kung hindi makiki­pagkita sa kaniya.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa RA 9262 (Anti-Violence Against Women and Children Act) at RA 10175 (Cybercrime Prevention Act) ang suspek na si Rosman Hadji Ibrahim.

Sa reklamo ng biktima na itinago ang pagkakakilanlan, nagkaroon siya ng bawal na relasyon kay Ibrahim sa pagitan ng 2017 hanggang 2020. Nakipaghiwalay siya sa lalaki ngunit patuloy pa rin siyang tinitext nito hanggang sa pagbantaan na ikakalat ang kaniyang mga hubad na larawan sa dati nilang mga pagtatalik kung hindi makikipagkita sa kaniya.

Dumulog sa NBI-Saranggani ang biktima nitong Abril 23 at sinabing pumayag siyang makipagkita sa lalaki para matapos na ang problema niya sa panggugulo sa kaniya. Ngunit natatakot siya na puwersahin siyang makipagtalik kaya humingi siya ng tulong sa mga operatiba.

Dito nagkasa ng entrapment operation ang NBI. Huli sa akto ng mga operatiba ang suspek kasama ang biktima sa loob ng isang kuwarto ng isang lodging house sa Brgy. Lagao, General Santos City. Inabutan ng mga operatiba ang suspek na nakasuot na lamang ng brief.

Show comments