GENERAL SANTOS CITY, Philippines — Sunud-sunod na operasyon ang ikinasa ng mga operatiba ng General Santos City Police Office kasabay ng Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operations (SACLEO) na ikinasawi ng dalawang drug suspek,habang 51 ang naaresto,kamakalawa sa lungsod na ito.
Sa 51 na naaresto,ang 23 dito ay mga wanted sa iba’t ibang kaso;17 ang naaresto sa droga,11 ang nakalaboso sa 11 gambling.
Umabot naman sa 41 pakete ng umano’y shabu ang nakumpiska ng pulisya sa sunud-sunod na operasyon na nagkakahalaga ng humigit kumulang P50,000.
Kabilang din sa mga nasamsam ng otoridad ang 19 na iba’t ibang uri ng armas at mga bala kung saan ang iba sa mga ito ay isinuko ng mga gun owners dahil sa nag-expire na lisensya.
Ayon kay Police Colonel Gilberto Tuzon, direktor ng General Santos City Police Office, ang naturang simultaneous operation ay ikinasa upang puksain ang paglaganap ng kriminalidad sa lungsod kabilang na ang bentahan ng iligal na droga at iba pang krimen partikular na ang pamamaril.