TUGUEGARAO CITY, Cagayan , Philippines — Hinugot mula sa kanayunan ang 15 sundalo ng Philippine Army matapos silang tamaan ng hindi bala kundi COVID-19 sa Alcala, Cagayan noong Lunes.
Sa social media advisory ng lokal na pamahalaan, ang mga sundalong tinamaan ng virus ay mula sa 112 bilang ng kanilang hanay sa 77th Army Battalion na sumailalim sa mass swab testing noong nakaraang linggo.
Wala naman umanong nakasalamuha ang mga sundalo sa komunidad dahil dati na silang isinailalim sa isolation sa kanilang kampo sa Barangay Piggatan bago sila isinailalim sa pagsusuri.
Noong nakaraang Pebrero, lima lamang sa 100 na kawal na sumailalim sa mass testing ang nagpositibo sa COVID-19.
Samantala, ibinalita ni Alcala Mayor Christine Antonio na nakarekober na lahat ang 24 medical personnel ng kanilang Municipal Hospital na nagpositibo sa COVID-19 noong Abril 7.
Ang Alcala ay mayroong 57 active COVID-19 cases.