ANGELES CITY, Pampanga, Philippines — Agarang iniutos ni Angeles City Mayor Carmelo “Pogi” Lazatin Jr. na ipasailalim sa swab test ang lahat ng empleyado ng call center na VXI Global Solution na nakabase sa loob ng Clark Freeport Zone matapos na magpositibo ang 27 empleyado nito.
Pansamantala munang ipina-shutdown ng Business Permit and Licensing Civision at ng Angeles City disaster risk reduction and management office (ACDRRMO), ang naturang business process outsourcing company, matapos magpositibo sa COVID-19 ang nasa 27 nitong empleyado, kung saan walo rito ay mula sa Angeles City habang ang 19 ay residente mula na sa iba’t ibang bayan.
Sa direktiba ni Lazatin, kailangang sagutin ng kompanya ang bayad sa pagpapa-swab test sa lahat ng kawani nito.
Mahigpit din ang utos ng alkalde sa lahat ng mga Business Process Outsourcing (BPO) companies na dapat sundin ang mga health protocols na ipinatutupad ng lungsod lalo na ang pagpapatupad sa “flexible work arrangement” ng mga ito at maging ang physical distancing.
Dagdag nito, dapat na makipag-ugnayan ang lahat ng bussiness establishment ukol sa kalagayan ng kanilang mga empleyado na nagpopositibo sa COVID-19.