PAGBILAO, Quezon, Philippines — Nalambat ng mga awtoridad ang isang jeepney driver na hinihinalang nagsu-supply ng droga sa kanyang mga kabaro makaraang isagawa ang anti drug operation sa Sitio Dapian, Barangay Sta. Catalina, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni P/Major Milo Tabernilla, chief of police dito ang nadakip na si Diomedez Nanez Sr., 58, may asawa at residente sa nabanggit na lugar.
Ayon sa ulat, nakatanggap ng tip ang mga operatiba ng Pagbilao Police Drug Enforcement Unit tungkol sa ilegal na transaksyon ng suspek.
Batay sa Community Mobilization informant, ang suspek ang pinagkukunan ng shabu ng ilang jeepney driver na bumibyahe sa rutang Pagbilao-Lucena.
Nang magpositibo ang impormasyon, agad na inilatag ang buy-bust operation at nasakote ang suspek na nakumpiskahan ng 5-plastic sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 14.03 gramo at nagkakahalaga ng P286,212, isang P500 marked money at mga drug paraphernalia.