4 pa sa Kalinga, nakitaan ng COVID-19 UK variant
TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Apat pang katao ang kinumpirmang kinapitan ng UK variant ng COVID- 19 sa Kalinga noong Linggo.
Ayon sa Kalinga Provincial Health Office, ang variant na kilala rin na B.1.1.7 ay nasuri sa mga swab samples ng dalawang nagpositibong residente mula sa Rizal at Pasil at dalawa pa sa Tabuk City, sa laboratoryo ng Baguio General Hospital Medical Center noong Marso 5 at 8.
Bunsod ng pangyayari, ipinag-utos ng Kalinga Inter-Agency Task Force on COVID-19 na dagdagan pa ng hindi bababa sa 10 araw na extension ang quarantine ng apat na nakitaan ng UK variant upang matiyak na hindi na kakalat ang kinatatakutang variant
Ipinag-utos din ng IATF na isailalim muli sa 14 araw na strict quarantine at pagsusuri ang hanggang sa third generation contacts ng apat na UK variant patients kahit nagnegatibo ang resulta ng kanilang unang swab test.
Dahil dito, anim na ang naitatala sa Kalinga na nagtataglay ng UK variant mula nang makapasok ito sa bansa noong nakaraang Enero. Ang unang dalawang nakitaan ng UK variant noong Pebrero ay mga paslit mula sa Lubuagan na kapwa idineklarang “fully recovered” na.
- Latest