2 tigok sa pansit at kamoteng kahoy
13 pang kasamahan sa piknik, naospital
CALABANGA, Camarines Sur, Philippines — Dalawa ang patay habang 13 pa nilang kaanak at kapitbahay ang naospital kabilang ang 4-buwang sanggol matapos umano malason sa kinaing pansit at kamoteng kahoy habang nagpipiknik sa Brgy. Bigaas ng bayang ito kamakalawa.
Kinilala ang mga nasawi na sina Maritess Arias, nasa hustong gulang; Marco Ebareta Buenafe, 10-anyos, pawang residente ng naturang barangay.
Sa ulat, nagkaroon ng piknik ang magkakamag-anak na Buenafe at mga kapitbahay at pinagsaluhan umano nila ang kanilang baon na nilutong pansit at kamoteng-kahoy.
Gayunman, ilang oras matapos kumain ay sumakit ang ulo at tiyan, nilagnat at nagsusuka na ang 15 na biktima kaya lahat sila ay isinugod sa Calabanga Rural Health Unit pero dahil sa maselang kondisyon ay dinala sila sa NICC Hospital sa Naga City.
Gayunman, namatay habang ginagamot ang batang si Buenafe at si Arias habang nasa kritikal na kondisyon ang sanggol na nadamay sa pagkalason makaraang dumede sa kanyang nanay na kasamang naospital.
Iniimbestigahan na ng mga awtoridad kung alin sa nilutong pansit o kamoteng kahoy ang nakalason sa mga biktima.
- Latest