ANGELES CITY, Pampanga, Philippines — Naaresto ng pinagsanib na puwersa ng Angeles City Drug Enforcement Unit at City Police Station 4 ang high value individual (HVI) sa isinagawang buy-bust operation sa Malabanias Road corner Josefa St., Brgy Malabanias, dito kahapon ng madaling araw.
Sa ulat sa tanggapan ni Angeles City Police Director P/ Col. Rommel Batangan, kinilala ang suspek na si Anthony Ruiz, 40-anyos, na sinasabing dati nang nahuli sa kaparehong kaso, at residente sa Northville, Brgy. Cutud, sa lungsod.
Nasamsam sa suspek ang nasa humigit kumulang sa 300 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P2,040,000.00 at isang Toyota Vios na may plakang SOU-650 at buy-bust money.
Pormal nang kinasuhan ang suspek dahil sa paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.