Sex den ni-raid: 4 babae na-rescue, ‘bugaw’ timbog
BAGUIO CITY, Philippines — Apat na babaeng ibinibugaw sa halagang P1,500 ang na-rescue ng National Bureau of Investigation sa isinagawang pagsalakay sa hinihinalang sex den sa Barangay Lydia, Marcos, Ilocos Norte noong Miyerkules ng hapon.
Kinilala ang sinasabi na nagsisilbing bugaw ng mga nasagip na kababaihan na si Premia Saclayan-Verdadero, 40, na haharap sa mga kasong illegal trafficking in persons (RA 9208).
Ayon kay NBI-Laoag City District Office chief Atty. Diosdado Araos, ang apat na biktima na pawang mga lokal na residente rin sa iba’t ibang bayan ng Ilocos Norte ay ibinebenta ni Verdadero sa mga parokyano at kabilang isang kuwarto sa bahay nito ang ginawa na niyang “motel”.
Sinabi ni Atty Araos na isang dating “kustomer” ang una nang dumulog sa NBI ukol sa illegal na kalakal ni Verdadero na nagbunsod sa mga operatiba kasama ang Ilocos Norte Provincial Social Welfare Office upang ilunsad ang operasyon noong Miyerkules, alas-3 ng hapon para tuldukan na ang nasabing ilegal na gawain.
Pinuntahan ng “customer-turned-government informant” NBI Intelligence Officer Darwin dela Cruz at dalawa pang ahente na nagkunwaring mga kustomer, ang bahay ni Verdadero kung saan may dalawa nang babae ang nakaabang.
Dalawa pang babae ang tinawagan ni Verdadero upang magbigay “serbisyo” sa apat na NBI agents.
- Latest