BACOLOD CITY, Philippines — Apat na miyembro ng isang pamilya ang pinagpapatay ng hindi pa kilalang mga suspek sa Barangay Tangub, ng lungsod na ito.
Kinilala ang mga nasawing sina Jocelyn Nombre; Gemma Espinosa; Michael Espinosa; at ang anim na taong gulang na bata na hindi na pinangalanan na pinaniniwalaang tatlong araw nang mga patay bago ito marespondehan ng mga pulis nang mag-report ang mga kaanak.
Ang mga bangkay ng mga biktima ay magkakahiwalay na natagpuan sa loob ng kanilang tahanan.
Ayon kay Bacolod City Police Station 8 Commander Police Major Joery Puerto may mga tama sa ulo ang mga biktima.
Ginupit pa umano ang buhok ng isang biktima na indikasyong may malalim na galit ang gumawa nito.
Ani, Puerto na walang senyales ng puwersahang pagpasok sa bahay at wala ring nawalang gamit, indikasyon na maaring kilala ng mga biktima ang suspek.
Hinala ng pulisya na posibleng higit sa isa ang suspek. Mayroon nang person of interest ang pulisya.