Nueva Ecija nagpapasaklolo na ng doctors at nurses mula sa PNP, BFP at AFP
NUEVA ECIJA, Philippines — Nanawagan na si Nueva Ecija Gov. Aurelio Umali ng tulong sa mga licensed nurses at doctors mula sa Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP) at Armed Forces of the Philippines (AFP), upang i-deploy sa mga ospital na kulang na sa mga manpower, pribado man o publiko sa lalawigang ito.
Sa isinagawang NE-IATF Protocols and COVID-19 concerns meeting via zoom noong Abril 5, suhestiyon ni Gov. Umali na sa bilis ng pagtaas ng hawahan sa nasabing virus ay kailangang magpasaklolo sa mga doktor at nars na nagsisilbi sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at maging medical frontliners ng bayan ngayong may pandemic.
Sinabi naman ni Col. Jaime Santos, Nueva Ecija Police provincial director, mayroon silang 76 registered nurses na nakakalat sa mga istasyon ng pulisya sa buong lalawigan.
Ayon din sa BFP-Nueva Ecija, kailangan pa umano ang bureau order mula sa kanilang national headquarters para sa augmentation ng kanilang mga licensed nurses at doctors na ipadadala sa mga ospital, habang ang mga doktor at nars sa 84th IB ay nakatalaga naman sa pagamutan sa loob ng Fort Magsaysay.
Base naman sa update ni Dr. Huberto Lapuz, medical center chieff II ng Dr. PJGMRMC, as of April 5, nasa 73 na ang admitted sa kanilang COVID ward, 77% dito ang taga-Nueva Ecija habang 23% ay nagmula sa National Capital Region (NCR) at mga probinsya ng Bulacan, Pampanga at Laguna, alinsunod sa one hospital command center. Aniya, mula sa 120 bed capacity ay maaari umanong i-adjust hanggang sa 200 beds para sa COVID patients ang PJGMRMC, ayon pa kay Lapuz.
Pansamantala rin umanong isinara ang out-patient department (OPD) ng PJGMRMC upang ma-contain ang pagkalat ng virus sa kanilang bisinidad at hindi mahawahan ang ibang pasyente na nagki-chemotherapy at iba pa na nangangailangan ng kanilang serbisyo.
- Latest