MALOLOS CITY, Philippines — Patay sa isinagawang drug buy-bust ng Marilao PNP ang isang kilalang tulak ng ipinagbabawal na droga sa Brgu. Ibayo ng nasabing bayan kahapon ng madaling araw, habang anim pang tulak ang natiklo ng mga pulis sa magkakahiwalay ng drug operation sa lalawigan ng Bulacan.
Kinilala ni P/Col. Lawrence Cajipe, Bulacan police director ang napatay na pusher na si Dominador Donia, residente ng nasabing Barangay.
Sa imbestigasyon, dakong alas-12:10 ng madaling araw nang maglatag ng buy-bust operation ang Marilao Police sa nasabing lugar, Nanlaban at nagpaputok umano ang suspek nang makatunog na pulis ang katransaksyon sanhi ng shootout na ikinasawi nito. Nakuha sa suspek ang isang cal .38 revolver, anim na plastic sachet ng shabu at buy-bust money.
Samantala, anim pa umanong tulak ng ipinagbabawal na droga na kinilalang sina Romeo Maniquiz, Norberto Gonzales, Ferla Saligumba, Edwin de Castro, Ronald Gleane at Joven Inocencio ang nasakote sa magkakahiwalay na drug buy-bust operation sa San Miguel, Plaridel at Pandi. Nabawi sa kanila ang 20 plastic sachet ng shabu, dalawang plastic sachet ng pinatuyung dahon ng marijuana at buy-bust money.