MANILA, Philippines — Sinibak sa puwesto ang dalawang miyembro ng Angeles City Police-Station 5 sa Pampanga matapos masangkot sa prank video nang kasangkapanin sila ng isang negosyante nitong Abril 1.
Nabatid na mismong si Angeles City Mayor Carmelo Lazatin ang nagpasibak sa dalawang pulis na nakita sa video habang inaaresto at isakay sa patrol car ang isang negosyante na kumutsaba sa kanila para i-prank ang kanyang mga empleyado.
Kasabay nito, sinabi ni Brig. Gen. Val de Leon, regional director ng Central Luzon Police Office, hindi katanggap-tanggap ang ginawa ng mga pulis lalo pa’t itinataya ng kanilang mga kabaro ang kanilang buhay laban sa pagkalat ng virus.
Sa FB live ng SY MUSIC Entertainment na may pamagat na “BOSS NG SY ARESTADO-KARMA IS REAL?/SY TALENT ENTERTAINMENT”, makikita ang pagdating ng dalawang pulis na unipormado sakay ng police mobile patrol vehicle (CPO 348) at tumuloy sa isang bakuran na may 10 kataong nag-uusap. Sinabi ng dalawang pulis na may dala silang warrant of arrest kaya agad na tinawag ng mga empleyado ang kanilang “Boss Paul” na nasa arrest warrant.
Nang lumabas ang target ng warrant, binasa ng lalaki at lumabas na isang empleyada nito ang nagkaso sa kanya na agad itinanggi ng babae.
Gaya sa mga tunay na action o senaryo ng mga inaaresto ng mga pulis, nagkaroon ng resistance si “Boss Paul” hanggang sa magkaroon ng tensyon at maisakay sa police vehicle ang huli.
Gayunman, makikita sa video na habang ibinabyahe na ang inaresto ay tumatawa pa ito kasama ang dalawang pulis. Lumilitaw na prank lang ang senaryo dahil sa “April Fools Day” at hindi lehitimong operasyon ng pulisya. Nag-iiyak din ang babae na pinalabas na nagkaso sa kanyang boss.
Bunsod nito, sasampahan ng kasong administratibo ang dalawang pulis dahil sa paglabag sa health protocol, maging ang entertainment company na sangkot sa prank.
Ayon kay De Leon, iimbestigahan ang insidente at hindi siya makikialam sa desisyon ni Mayor Lazatin sa pagdidisiplina sa mga pulis. Nais lamang nilang ipatupad ang IATF guidelines.
Sinabi ng PRO3 na 17 indibiduwal ang sangkot sa prank video kung saan lima ang Korean national. Sasampahan ng kaso ang mga sangkot sa piskalya.
Habang sinusulat ang ulat na ito, umabot na sa 3.4 million views sa FB ang nasabing video na umani ng iba’t ibang reaksyon mula sa netizen.