MANILA, Philippines — Patay ang isang lalaki sa lalawigan ng Cavite matapos diumano parusahan ng Philippine National Police (PNP) dahil sa "paglabag" sa curfew habang ipinatutupad ang enhanced community quarantine (ECQ) laban sa COVID-19 sa NCR Plus bubble.
Itinanggi ng hepe ng pulis sa bayan kung saan daw nangyari ang insidente na pinaparusahan nila ang mga lumalabag sa curfew. Wala pang pahayag ang national headquarters ng PNP sa sinasabing insidente.
Related Stories
Kinilala ang biktima bilang si Darren Manaog na bibili lang sana ng tubig noong curfew hours ng Huwebes, ayon sa isang Adrian Luceña sa Facebook, Linggo nang umaga.
"[T]apos sabi nya po pinagpumping sila ng 100x kailangan sabay sabay kaya naka ilang ulet sila sabi niya nasa 300 daw nagawa nila," wika ni Luceña kahapon.
"Ito po ay nangyare sa Munisipyo ng Malabon, General Trias, Cavite."
Ang Malabon ay dating pangalan ng bayan ng General Trias.
Ilang beses na-revive bago mamatay
Aniya, nakauwi pa si Manaog ng Biyernes ng umaga ngunit hindi na makalakad nang maayos. Ilang beses pa raw siyang natumba habang pinagpa-pumping, wika ni Darren kay Adrian.
Nauwi na raw ito sa pagkukumbulsyon noong Sabado ngunit na-review naman daw siya sa bahay.
"[S]inumpong ulet siya narevive ulet kaya lang comatose na siya... hanggang ngayong 10:00 pm wala na [patay na]," dagdag ni Luceña.
"Kuya paalam na... [M]ahal na mahal ka namin... Hindi kami papayag na hindi mabigyan ng hustisya ang pagkawala mo."
Kinukuha pa ng PSN ang pahayag ng PNP spokesperson na si Police Brig. Gen. Ildebrandi Usana hinggil sa insidente ngunit hindi pa siya sumasagot sa panayam magpahanggang sa ngayon.
Wala pa ring tugon ang Cavite Police Provincial Office (Cavite PPO) pagdating sa nasabing curfew-related fatality.
Walang ganoong parusa?
Sa panayam ng News5, sinabi ni Police Lt. Col. Marlo Solero, General Trias City police chief, na "wala" silang pisikal na parusa laban sa mga lumalabag sa protocols. Gayunpaman, hindi naman daw nila kukunsintihin ang pulis na nasa likod nito kung mapatutunayan.
"So sa claim po na pumping, wala po kaming binibigay na ganoong punishment sa kanila. Instead, we’re conducting lectures po," ani Solero sa phone interview sa kanila ng Rappler.
LALAKI, PATAY SA PUMPING? Trending sa internet ang post ng isang netizen tungkol sa isang lalaki na umano'y nasawi...
Posted by News5 on Monday, April 5, 2021
Kinastigo naman ni Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) secretary general Renato Reyes Jr. ang pagkamatay ng lalaki, lalo na't hindi naman daw gaano kabigat ang ginawa ng nasawi.
"A curfew violation! What has this system done to us? Bakit may ganitong parusa para sa curfew violation?" ani Reyes ngayong Lunes.
A young man dies after being made to do 300 pumps by Cavite police for a curfew violation. A curfew violation! What has this system done to us? Bakit may ganitong parusa para sa curfew violation? pic.twitter.com/EcwUZNqbla
— Renato Reyes, Jr. (@natoreyes) April 5, 2021
Ika-15 ng Marso lang nang sabihin ni officer-in-charge Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar na "mali at hindi na dapat ulitin" ng PNP ang mga pisikal na pagpapahirap sa mga quarantine violators na dati nang nangyari noong unang pagpapatupad ng community quarantine.
Matatandaang may binugbog, napatay at ikinulong noon sa hawla ng aso dahil sa paglabag sa protocols. — James Relativo at may mga ulat mula sa News5