NORTH COTABATO, Philippines — Umakyat sa 21 na miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Dawlah Islamiya (DI) terrorist group ang napatay sa mga inilunsad na focused military operations ng tropa ng Joint Task Force Central sa Maguindanao, iniulat ng 6th Infantry ‘Kampilan’ Division, kahapon.
Ayon kay Lt. Col. John Paul Baldomar, tagapagsalita ng 6th Infantry (Kampilan) Division at 6th CMO commander na tumanggap ng impormasyon ang Joint Task Force Central sa presensya ng mga terorista sa bulubunduking bahagi ng Brgy. Saniag, Ampatuan, Maguindanao. Dahil dito, agad nila itong nirespondehan sanhi ng bakbakan.
Bukod sa mga napaslang, nakubkob din ng militar ang anim na kampo ng DI sa bulubunduking bahagi ng Brgy. Saniag at Salman sa Ampatuan kung saan na-overrun ng 1st Scout Ranger Battalion ang kuta ng mga terorista.
Nagpapatuloy pa ang clearing operations ng militar sa mga hangganan ng Ampatuan, Datu Hoffer at South Upi sa lalawigan ng Maguindanao habang unti-unti nang nakabalik na sa kanilang mga tahanan ang mga residenteng nagsilikas matapos maipit sa 14-araw na sagupaan.