Espenido, 2 pulis sa multiple homicide’ nakalaya
Matapos sumuko sa Ozamiz City
MANILA, Philippines — Pansamantalang nakalaya si Police Lt. Col Jovie Espenido at dalawa pulis na akusado sa mga kasong pagpatay matapos na makapagpiyansa sa Ozamiz City.
Ayon kay Espenido, P240,000 ang piyansa niya kasama sina Police Executive Master Sgt. Renato Martir Jr. at P/Cpl. Sandra Louise Bernadette Bantilan na kanyang dating mga tauhan.
Matatandaan na nitong Martes, boluntaryong sumuko si Espenido at dalawang pulis sa Ozamis City Police Station matapos maglabas ang Department of Justice ng warrant of arrest laban sa kanila dahil sa kasong 6 counts of homicide, base sa isinampang reklamo ng isang Carmelita Manzano noong 2018. Ito ay dahil sa pagpatay umano sa kanyang asawang si Fancracio; anak na si Jerry; live-in partner ng kanyang anak na si Victorino Mira Jr.; pamangking si Lito Manisan; live-in partner ng pamangkin na si Romeo Libaton; at isa pang Alvin Lapeña sa ginawang raid ng tropa ni Espenido noong Hunyo 1, 2017 habang sila ay nagkakasahan sa kanilang tahanan sa Barangay Cabinti.
Giit naman ni Espenido, lehitimo ang kanilang ginawang operasyon at kilala umanong mga tauhan ng pamilyang Parojinog at miyembro ng “Martilyo Gang” ang mga napatay.
Si Espenido ay magugunitang isa sa mga kontrobersiyal na pulis sa kasagsagan ng drug war ng administrasyong Duterte dahil sa mga napatay nitong narco-politician.
- Latest