MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Nanawagan si Bulacana Gov. Daniel Fernando sa mga Bulakenyo ng pagkakaisa at pagsunod sa batas sa pagsasailalim sa Bulacan, kasama ang iba pang lugar na kabilang ang Metro Manila, Cavite, Laguna at Rizal, sa enhanced community quarantine (ECQ) simula ngayong araw, Marso 29, 2021 hanggang Abril 4, 2021.
Sa kanyang Facebook live kamakalawa ng gabi, sinabi ni Fernando na ang hakbang ng gobyerno na ilagay ang mga binanggit na lugar sa mas mahigpit na quarantine protocol ay ginawa upang mapigilan ang pagtaas ng kaso ng COVID sa bansa.
Hiniling din niya sa mga samahang pangrelihiyon sa lalawigan na manalangin sa Panginoon para sa kaligtasan ng mga Bulakenyo.
Gayundin, bilang karagdagan sa mga nauna nang inilabas na Executive Order para sa pagbabantay sa mga malakihang pagtitipon, liquor ban at barangay ronda, sinabi ni Fernando na maglalabas siya ng isa pang Executive Order para sa mga kapitan ng barangay upang maglaan ng quarantine o isolation facility sa kani-kanilang lugar.
Ayon sa gobernador, sa ilalim ng ECQ, magkakaroon ng istriktong pagpapatupad sa pananatili sa tahanan; limitadong pampublikong transportasyon kung saan pinapayagan ang mga dyip at tricycle ngunit kailangang bantayan ang social distancing at minimum health standard protocols; curfew simula alas 6:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga; walang operasyon ang mga mall maliban sa mga kinakailangang produkto at serbisyo na may 50% operational capacity sa mga restawran na maaari lamang para sa take-out at delivery; limitadong interzonal na paggalaw; at pinahigpit na pagbabantay sa mga checkpoints.