FORT RAMON MAGSAYSAY, Nueva Ecija, Philippines — Nakatakdang makinabang ang hindi bababa sa 32 dating mga rebelde sa P14.4-milyong proyektong pabahay na itatatayo sa Barangay Antipolo, Bongabon, Nueva Ecija.
Ayon kay Lt. Col. Reandrew Rubio, commanding officer ng 91st Infantry (Sinagtala) Battalion, isang kasunduan ang pinasok ng Philippine Army kasama si Bongabon Mayor Allan Xystus Gamilla at National Housing Authority (NHA) Region 3 na si Engr. Jerome Yabot noong Huwebes para sa pabahay ng mga dating rebelde.
Patuloy rin umanong tutulungan ng Army ang mga rebel returnees hanggang sa makumpleto nila ang kanilang aplikasyon para sa tulong sa pabahay ng NHA.
Ipinaliwanag niya na ang inisyatibo ay upang magtatag ng isang permanenteng proyektong pabahay para sa naunang 32 dating rebelde na bahagi ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program ng gobyerno habang inihahanda sila para sa muling paghalubilo sa mainstream society.
Ang Bongabon LGU at ang NHA, kasama ang iba pang mga stakeholder ay ‘proactively’ na nakasuporta sa programa para sa mga dating rebelde, aniya.
Pinuri ni Brig. Gen. Andrew Costelo, commander ng 703rd Infantry Brigade, ang pakikipagtulungan ng 91IB, Bongabon LGU, at ng NHA.
Sinabi naman ni Major General Alfredo Rosario Jr., commanding general ng 7ID, na ang hinaharap na proyekto sa pabahay ay isang pagpapakita ng matibay na pangako ng gobyerno na maiangat ang kalagayan ng pamumuhay ng mga dating rebelde sa pamamagitan ng pagsisikap ng LGU, NGAs at iba pang mga stakeholder.