MANILA, Philippines — Nadakip ng mga tauhan ng Marine Battalion Landing Team-6 (MBLT-6) ang isang sugatang Abu Sayyaf Group (ASG) leader matapos ang isang sagupaan sa Barangay Kalupag Island, Languyan, Tawi-Tawi, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Western Mindanao Command (Wesmincom) Commander Lt.Gen. Corleto Vinluan, rumesponde ang tropa ng MBLT-6 sa pamumuno ni Lt. Col. Venjie Pendon sa ulat hinggil sa presensiya ng mga armadong grupo sa nasabing barangay.
Sakay sa navy vessel si Col. Nestor Narag, deputy Brigade Commander ng 2nd Marine Brigade at patungo sa nasabing lugar na bigla na lamang silang pinaulanan ng bala.
Dito na umigting ang sagupaan na kung saan nasapul si Sulu based ASG/KFRG leader Majan Sahidjuan,alias Apo Mike.
Ayon kay Pendon, inabandona na si Sahidjuan ng kaniyang grupo na bitbit ang kanilang bihag na mga Indonesians.
Hinimok naman ni Vinluan ang mga residente sa Tawi-Tawi na manatiling kalmado at magtiwala sa mga otoridad.