DEL GALLEGO, Camarines Sur , Philippines — Namatay noon din ang isang 27-anyos na lalaki matapos pagbabarilin sa harap ng kanyang kinakasama ng hindi nakilalang gunman na pumasok sa kanilang bahay sa Brgy.Pinagdapian ng bayang ito,kamakalawa ng gabi.
Ang biktima na nagtamo ng mga bala sa iba;t ibang bahagi ng katawan ay nakilalang si Larry Rayles Casabuena.
Hindi naman idinamay at sinaktan ng suspek ang kinakasama ng biktima na si Mercy Mangampo,kapwa residente ng nasabing barangay.
Sa salaysay ni Mangampo sa pulisya, dakong alas-10:45 ng gabi ay naghahanda na umano sila para matulog nang pwersahang pumasok sa kanilang bahay ang gunman na nakasuot ng itim na bonnet,jacket at naka-shorts.
Sa hindi malamang dahilan ay minura nito ang biktima at saka pinagbabaril at nang masigurong patay na ay mabilis na tumakas ang suspek.
Nakuha ng mga rumespondeng pulis ang ilang basyo ng bala ng hindi malamang kalibre ng baril.
Isa sa anggulong tinitingnan sa pamamaril sa biktima ay posibleng may atraso ito o nakaaway.