MANILA, Philippines — Pinangalanan na ng Philippine National Police-Regional Office ang 7 pulis na sangkot sa Calbayog City shooting noong Marso 8 kung saan napatay si Calbayog City Mayor Ronaldo Aquino at mga bodyguards nito.
Ayon kay Col. Ma. Bella Rentuaya, PNP Eastern Visayas regional office spokesperson, ang pagkakakilanlan ng mga pulis ay batay sa testimonya ng mga saksi.
Ang mga ito ay sina Col. Harry Sucayre, Maj. Cyril Tan, Lt. Julius Armesa, at Cpl. Edcil Omega na umano’y nakasakay sa puting Toyota Hilux na nakitang pinapuputukan ang sasakyan ni Aquino sa Laboyao Bridge sa Barangay Lonoy, Calbayog City, Samar bandang 5:30 p.m. noong Marso 8.
Kabilang din sina Capt. Joselito Tabada at S/Sgt. Romeo Laoyon na nasawi sa putukan, at ang sugatang si S/Sgt. Neil Cebu.
Si Tabada ang hepe ng Samar PNP drug enforcement unit (DEU) at acting chief of police sa kalapit na bayan ng Gandara.
Sinabi ni Rentuaya na binigyan sila ng go signal ng special investigation task group (SITG) na ilabas ang mga pangalan ng mga sangkot sa insidente.
Matatandaan na nakipagbarilan umano ang grupo ng alkalde sa napagkamalang sasakyan na sumusunod sa kanila habang papunta sana si Aquino sa selebrasyon ng kaarawan ng anak.
Matapos ang barilan ay napag-alamang pulis pala ang kanilang nakaengkwentro.
Anim ang nasawi sa barilan kabilang na ang alkalde, security detail nito, at driver, habang dalawang pulis naman at isang sibilyan pa ang namatay.
Tinawag naman itong ambush ni Samar 1st District Representative Edgar Sarmiento dahil tila handa ang mga pulis sa barilan kung saan aniya na may mga nakabonnet pa at may bitbit na mataas na kalibre ng baril.