Paghalik ng pari sa paa ng disipulo sa Huwebes Santo, bawal muna

CAGAYAN , Philippines — Upang masawata ang pagkalat ng COVID-19 sa dara­ting na Huwebes Santo ay ipinagbawal muna ni Tuguegarao City Archbishop Ricardo Baccay ang paghalik ng pari sa hinugasang paa ng mga disipulo bilang bahagi ng banal na misa.

Sa kanyang ipinalabas na circular sa mga Kaparian, inalis na rin ang pagsasagawa ng prusisyon pagkatapos ng misa sa Huwebes upang maiwasan ang pagbuklod ng maraming tao.

Aniya, sa Biyernes Santo, tanging lamang ang maaaring humalik sa krus at pinapayuhan ding ipatupad ng mga deboto ang lahat ng alituntunin na isinasaad sa health protocols ng otoridad.

Samantala sa bayan ng Pamplona, Caga­yan ay  hiniling ni Mayor Digna Antonio sa kanyang mga kababayan na kung maaari ay huwag na munang isagawa ang tradisyunal nilang pamamanata sa labas upang maiwasan ang hawaan sa virus.

Sa kanyang ipinalabas na Executive Order, sinabi ni Antonio na maaari namang mamanata ang mga deboto ng personal sa loob ng kanilang mga tahanan upang maiwasan ang pakikisalamuha sa ibang tao na maaaring pagmulan ng sakit.

Bukod sa darating na Mahal na Araw, hinikayat din ng alkalde ang mga mamamayan na iwasan na rin munang magdaos ng magarbong kapistahan para sa kanilang mga pat­ron.

Show comments