ZAMBALES, Philippines — Natanggap na ng Provincial Health Office (PHO) ng Zambales kamakalawa ang nasa 101 vials ng AstraZeneca vaccine gayundin ang 83 vials na kaparehong bakuna ng lungsod ng Olongapo kahapon naman ng tanghali.
Kasabay ng pagdating ng bakuna sa lalawigan ng Zambales ay kaagad na nagsagawa ng vaccination rollout at unang binakunahan ang mga medical workers sa President Ramon Magsaysay Memorial Hospital.
Unang tinurukan si Provincial Health Officer Dr. Noel Bueno na sinundan na rin ng ibang mga doktor ng pagamutan at inaasahan na nasa 1,100 health workers ang matuturukan ng first dose ng AztraZeneca.
Samantala, ang natanggap 83 vials ng AstraZeneca ng lokal na pamahalaan ng Olongapo ay para naman sa mga senior citizen na may edad 60 pataas, comorbidity patient at mga private health workers.
Bawat vial ng AstraZeneca vaccine ay katumbas umano ng 10 doses kung kaya’t ang 101 vials na natanggap ng Zambales kung susumahin ay nasa 1,100 ang bilang ng matuturukan habang 830 naman sa Olongapo.