BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Nababahala ngayon ang mga magsasaka sa tatlong lalawigan sa Cagayan Valley (Region-02) matapos na mag-umpisang sirain ng mga insekto ang nasa 198 ektarya ng palayan, ayon sa ulat ng Department of Agriculture (DA) kahapon.
Sinabi ni Mindaflor Aquino, Science research specialist ng DA-Cagayan Valley, tinamaan ng mapaminsalang brown planthopper (BPH) na mga insekto ang mga sakahan sa lalawigan ng Cagayan, Nueva Vizcaya at Isabela.
Dahil dito, agad na nagsagawa ng field demonstrations ang ahensya para sa gagawing hakbang ng mga magsasaka kabilang na ang paglalagay ng isang uri ng pamatay sa mga planthopper sa ilang sakahan sa lalawigan ng Isabela na inumpisahan sa Barangay San Miguel sa bayan ng Burgos.
Pinag-aaralan na rin ng nasabing ahensya ang posibleng dahilan ng biglang pagdami ng mga nasabing insekto.
Ayon kay Jose Sansano, magsasaka sa Nueva Vizcaya, na maaaring ang isang dahilan ng pagdami ng mga mapaminsalang insekto ay dahil sa pagbabago ng panahon ngayong unang quarter ng taon, kabilang na rin ang paggamit ng mga nagsulputang mga pesticides o insecticides na pumapatay sa ibang mga “friendly” na insekto tulad na lamang ng mga gagamba na natural na dumadagit sa mga planthopper.
“May ASF sa pag-aalaga ng mga baboy, mura naman ang presyo ng mga gulay, ngayon ay may planthopper naman para sa mga tanim na palay, paano na lamang ang kabuhayan namin na mga magsasaka,” pahayag ni Sansano.
Bukod sa brown planthopper ay suliranin din ng mga magsasaka ang banta ng mga armyworms o cutworms, mga daga, rice black bugs at iba pang pumipinsala sa mga sakahan.