Calbayog City mayor tinadtad ng 21 bala
MANILA, Philippines — Sinabi ni Mark Aquino, panganay na anak ni Calbayog City Mayor Ronaldo Aquino na “overkill” ang ginawa sa kanyang ama matapos na 21 na tama ng bala sa ulo at dibdib ang tinamo nito batay sa awtopsiyang isinagawa rito.
“Ang sabi ng kaibigan ng papa ko… hindi ko po kasi kinayang makita ‘yung resulta ng autopsy. Ang sabi niya, sa bilang niya, kalahati palang ng katawan ng papa ko, ang nabibilang na tama ng bala is 21 na bala na,” ani Mark.
Ani Mark, tatlong wave ang pagbaril sa alkalde kung saan apat ang unang bumaril at nang nagpalit ng magazine at muling binaril ng tatlo katao. Muli itong binalikan ng isa pang suspek at nagsabing “Okay na, patay na” na nangangahulugan lamang aniya na kilala ng mga suspek ang alkalde at intensiyon at planado ang pagpatay.
Lumilitaw rin sa video ang mga PNP operatives na binalikan at niratrat muli ang patay nang alkalde kaya naniniwala silang hindi encounter ang nangyari.
Sinabi pa ng anak ng alkalde na base sa mga testigo ay ilang beses na nakita sa lugar ang sasakyan ng mga pulis na sangkot sa sinasabing ambush at dumayo lamang sa lugar.
Una nang sinabi ni 1st District Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento, sadyang inabangan ng mga pulis na naka-bonnet at armado ng M203 ang pagdaan ng behikulo ng mayor sa Laboyao Bridge, Barangay Lonoy, Calbayog City bago pagbabarilin dakong alas- 5:30 ng hapon habang patungo ang alkalde sa birthday ng anak.
Bukod kay Aquino, napatay rin ang closed security niya na si P/Sr. Staff Sergeant Rodio Sario, driver niyang si Dennis Abayon; P/Captain Joselito Tabada, hepe ng Gandara, Samar; P/Staff Sergeant Romeo Laoyon; at Clint John Paul Yauder, sibilyang tinamaan sa crossfire. Sugatan si Staff Sgt. Neil Matarum mula sa Cebu.
- Latest