Matapos kumuha ng ayuda mula sa DSWD
TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Tatlong lola ang nasawi habang tatlo pang kasama nito na kumuha lang ng ayuda mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang nasugatan matapos mahulog ang kanilang sinasakyang AUV sa may 50-metrong lalim na bangin sa Tuba, Benguet kamakalawa.
Sa report na nakarating kay Major Peter Camhol, hepe ng Tuba Police Station; dead-on-the-spot si Aida Dontogan, 73-anyos; nasawi naman habang dinadala sa pagamutan si Mely Bacyasan, 70, at nalagutan ng hininga sa isang ospital sa San Fernando City, La Union kahapon si Rosa Ditchi, 75.
Sugatan sa trahedya ang drayber ng sasakyan na si Aloy Atiwan at dalawa pang senior citizen na sina Lucia Lestino, 72 at Joselito Solley, 70. Isa namang Larry Martin ang nakaligtas umano matapos makatalon palabas ng sasakyan.
Lumalabas na nabitin sa paahon at matarik na direksyon ang nasabing sasakyan lulan ang mga biktima kaya’t huminto ito at tuluyang umatras.
Dahil sa dulas ng kalsada bunsod ng putik, hindi na nakontrol ng driver ang sasakyan hanggang sa magtuluy-tuloy silang mahulog sa matarik na bangin.
Nabatid na pauwi ang mga matatanda galing sa pagkuha ng kanilang regular na ayuda mula sa DSWD nang makasalubong nila si Kamatayan.