JOSE PANGANIBAN, Camarines Norte MANILA, Philippines — Kapwa bulagta ang dalawang notoryus na tulak ng droga habang arestado ang dalawang kasama matapos na pumalag sa ginawang buy-bust operation laban sa kanila sa Brgy. Luklukan Sur, sa bayang ito, kamakalawa ng gabi.
Kapwa idineklarang dead-on-arrival sa ospital ang dalawang suspek na sina Hajji Ebrada Abanto at Nardo Garcia Llorca. Naaresto ang mga kasamang sina Alberto Cabonelas Saladin, ng Almeda Highway, Naga City at Noriel Pascual Tagas, ng Brgy. Gumaus. Habang nakatakas ang isa pa.
Sa ulat, alas-11:30 ng gabi dumating sa napagkasunduang lugar ng transaksyon ang limang suspek lulan ng dalawang motorsiklo.
Gayunman, nang i-abot ng mga suspek ang biniling droga sa pulis na umaktong poseur buyer ay nakahalata ang nagmamaneho ng motorsiklo na pulis ang kanilang katransaksyon kaya mabilis na tumakas ito at naiwan ang dalawang angkas.
Sa halip na sumuko ay parehong bumunot ng baril at nakipagpalitan ng putok sa mga pulis dahilan para mapaslang. Hindi naman nakapalag nang arestuhin ang nabiglang sina Saladin at Tagas.
Nakuha sa mga suspek ang isang Kalibre 9mm at Kalibre 357 magnum na baril, pitong sachet ng shabu at ang motorsiklong ginamit sa ilegal na transaksyon.