Pamilya, 5 timbog sa droga

Kinilala ni Police Lt. Col. Heryl Bruno, hepe ng Talavera Police, ang mga naarestong suspek na sina Luisito Paraiso, alyas “Louie”, 57, misis na si Emma, 55, at kanilang tatlong anak na sina Renz, 21, binata; Renier, alyas “Embo”, 32, binata; at Malou, 30, dalaga, pawang mga jobless.
STAR/ File

TALAVERA, Nueva Ecija , Philippines — Sa selda ang bagsak ng isang pamilya na tila ginawang ‘family business’ umano ang pagbebenta ng ilegal na droga makaraang matimbog sila sa isang drug buy-bust ope­ration sa kanilang bahay sa Barangay Calipa­han, dito, noong Miyerkules ng hapon.

Kinilala ni Police Lt. Col. Heryl Bruno, hepe ng Talavera Police, ang mga naarestong suspek na sina Luisito Paraiso, alyas “Louie”, 57, misis na si Emma, 55, at kanilang tatlong anak na sina Renz, 21, binata; Renier, alyas “Embo”, 32, binata; at Malou, 30, dalaga, pawang mga jobless.

Ayon kay Bruno, nabentahan ng kanilang police poseur-buyer ang isa sa mga suspek na humantong sa pagkakaaresto ng mga suspek sa kanilang bahay, bandang alas-3:10 ng hapon noong Miyerkules.

Kabilang umano ang limang naarestong suspek sa talaan ng drug watchlist sa bayang ito at kasama sa unified NEPPO (Nueva Ecija Police Provincial Office) watchlist.

Narekober ang ginamit na P500 bill na may serial #JZ414148 mula sa poses­yon ni alyas “Louie”, 1 medium plastic sachet at 12 small plastic sachet ng hinihinalang shabu, isang aluminum foil strip with residue ng umano’y shabu, 1 bamboo skewer stick seal guide, 1 gunting, 2 disposable lighter.

Nakatakdang sampa­han ng paglabag sa Section 5, 11, 12 at 26 ng Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dange­rous Drugs Act of 2002 ang mga suspek.

Show comments