CAMALIG, Albay, Philippines — Dead-on-the spot ang dalawang hindi pa nakikilalang pahinante habang tatlo ang sugatan matapos sumampa sa center island at bumaliktad ang isang delivery truck ng isda sa kahabaan ng Maharlika National Highway ng Brgy. Ilawod sa bayang ito kamakalawa ng umaga.
Patuloy pang kinikilala ang dalawang pahinante habang kritikal sa ospital ang kanilang driver na si Dino Gutlay, 26, ng Brgy. San Isidro, Bulan, Sorsogon.
Sugatan din ang nagbibisikletang si Dave Nocommora Hecis, 40-anyos ng Brgy.7 at isang Jay Borbe Madrilejos na driver ng isa pang trak na tinamaan sa pagbaliktad ng naunang naaksidenteng trak, residente ng Ragay, Camarines Sur.
Sa ulat, dakong alas-6:30 ng umaga, mabilis na binabagtas ang kahabaan ng highway ng delivery truck (MGF-140) na minamaneho ni Gutlay patungo sanang Metro Manila para magdeliber ng isda.
Gayunman, pagdating sa palusong at palikong bahagi ay nawalan ng kontrol ang driver sa manibela dahilan para sumampa sa center island at bumaliktad ang truck at naipit sa ilalim ang dalawang pahinante na agarang nasawi ang isa.
Tinamaan din sa pagbaliktad ang isa pang kasalubong na trak dahilan para masugatan ang driver na si Madrilejos at nasagi ang biker na si Hecis na pawang isinugod sa hospital.
Nagkalat naman sa magkabilang panig ng kalsada ang sumabog na mga styrofoam at ang tone-toneladang kilo ng isdang “Lawlaw” (sardines) na nagdulot ng ilang oras at mahabang traffic.