Tinambangan habang nakikipaglibing
TUGUEGARAO CITY, Philippines — Nagmistulang eksena sa pelikula ang ginawang pagtumba sa isang tulak at kilabot ding miyembro ng gun-for-hire group na sangkot sa pagpatay sa isang mayor at judge matapos pagbabarilin ng mga nakaabang na kapwa berdugo habang dumadalo sa libing ng yumaong kapitbahay sa Brgy. Pattao, Buguey, Cagayan noong Sabado.
Sa report ng pulisya, nasa gawing likuran ng prusisyon ng mga nakikipaglibing ang biktimang si Edward Bareng, 45, sakay ng kanyang kotse nang tambangan ng mga killer pagsapit nila sa isang intersection dakong alas-11:00 ng umaga.
Nagsipulasan ang mga naghahatid sa sementeryo maging ang sasakyang naglulan ng patay ang umarangkada sa takot na madamay sa walang habas na pamamaril.
Sinikap isugod ng mga sumaklolo si Bareng sa isang pribadong ospital sa Camalaniugan subalit idineklara nang patay. Tumakas naman ang mga salarin sakay ng mga nag-aabang na motorsiklo ng kasabwat.
Narekober ng mga imbestigador sa crime scene ang 11 basyo ng bala ng kalibre 45.
Sa rekord ng awtoridad, si Bareng na sumawsaw noong 2016 sa Oplan Tokhang ang ikatlong miyembro ng Cabesa Gun-for-Hire and Drug Group na tinukoy sa P13 million drug bust sa Buguey noong 2013 na nagsangkot sa isang kawani ng munisipyo.
Tinukoy din ng pulisya ang grupo sa pagpatay noong 2010 kay Aparri RTC Judge Cipriano Andres at kay Maconacon, Isabela Mayor Erlinda Domingo nang sumunod na taon.