Sex den ni-raid: 52 bebot nasagip, 5 timbog
Mga parokyano nahawaan ng COVID-19 at STD
MANILA, Philippines — Nasa 52 kababaihang sangkot sa pagbebenta ng panandaliang aliw na hinihinalang nagtataglay ng COVID-19 ang nasagip ng mga awtoridad kasabay ng pagkakaaresto sa limang itinuturong bugaw sa ikinasang raid sa isang prostitution den sa Clark Freeport Zone sa Mabalacat City, Pampanga kamakalawa.
Kinilala ni Central Luzon Police director Brig. General Valeriano De Leon ang mga inarestong umano’y bugaw na sina Lauren Sta Iglesia, 24-anyos; Hazzel Sanchez, 28; Alysa Bautista, 21; Meli Ngo, 58 at Prince Cedrick Galang, 24.
Ayon kay de Leon, ikinasa ang raid ng pinagsanib na anti-trafficking operations ang Special Concern Unit (SCU) Regional Anti-Trafficking in Persons Task Group, Mabalacat Police sa pakikipagkoordinasyon sa Department of Social Workers Regional Office 3 sa isang KTV Bar sa Fontana Leisure Park, CM Recto Highway ng Clark Freeport Zone matapos silang makatanggap ng reklamo mula sa mga naging parokyano ng mga babae na nahawaan umano ng sexually transmitted disease at COVID-19.
Ayon sa report, agad na dinakma ng mga operatiba ang limang suspek nang tanggapin nila ang entrapment money bilang kabayaran sa mga babaeng pumayag na makipagtalik sa mga pulis na nagbalatkayong kustomer.
Sinampahan na ng pulisya ang mga nadakip ng kasong paglabag sa Expanded Anti- Trafficking in Persons Act of 2012.
Samantala, isinailalim na sa pagsusuri sa kalusugan ang mga nasagip na kababaihan upang matukoy kung may taglay silang virus at iba pang nakahahawang sakit.
- Latest